26/10/2025
ECO-TOURISM TOWN SA SAN VICENTE HABANG SMART CONDO SA PUERTO PRINCESA, ITATAYO NG MEGAWORLD
Inilunsad ng Megaworld ang dalawang proyekto sa Palawan na kinabibilangan ng 462-ektaryang Paragua Coastown sa San Vicente at ang 6-ektaryang Baytown Palawan sa Puerto Princesa na may pinagsamang kabuuang pamumuhunan na halos P50 bilyon, batay sa impormasyon.
Bahagi ito ng bisyon ng Megaworld, isang kilala at malaking kumpanya sa Pilipinas, na dalhin ang urban excellence ng Bonifacio Global City (BGC) sa puso ng Palawan.
Layunin ng mga nasabing proyekto na pagsamahin ang turismo, tirahan, negosyo, at pangangalaga sa kalikasan sa iisang komunidad.
Tinagurian ang San Vicente bilang “Longest Beach in the Philippines, na umaabot ng 14.7 kilometro, mas mahaba sa Boracay. Pinili ng Megaworld ang San Vicente dahil sa mahaba nitong baybayin, malapit sa paliparan, at may likas na ganda na akma sa eco-tourism. Inaasahang magbibigay ito ng libu-libong trabaho at kabuhayan sa mga Palawenyo, at magpapasigla ng lokal na ekonomiya ng lalawigan.
Dahil hindi pa gaanong matao o komersyalisado, may malawak itong espasyo para sa master-planned township tulad ng Paragua Coastown.
Ang Puerto Princesa na sentro ng komersyo, pamahalaan at transportasyon ay napili ng nasabing kumpanya para sa paglulunsad ng Baytown Palawan, isang 6-ektaryang lifestyle township kung saan itatayo ang The Bellagio Palawan, isang 12-palapag na smart residential condominium.
Kilalang isang malaking kumpanya sa Pilipinas ang Megaworld na gumagawa ng mga subdivision, condominium, mall, hotel, at eco-tourism town.
Inaasahang maagang matatapos ang mga pangunahing bahagi ng Baytown Palawan, kabilang ang The Bellagio Palawan habang inaasahan naman matatapos ang Paragua Coastown sa San Vicente sa loob ng susunod na dekada o higit pa, ayon sa impormasyon.
via Samuel Macmac