07/11/2026
VALUE O HALAGA NG MGA LUPAIN SA CAVITE, TUMAAS NG 300% SA LOOB NG 10 TAON
Patuloy na tumataas ang halaga ng lupa sa Cavite, matapos maitala ang 300% na pag-akyat ng land values sa lalawigan sa loob ng sampung taon, mula 2015 hanggang 2025, ayon sa ulat ng Bilyonaryo News Channel.
Ayon kay Jose Maria Fernandez-Cuervo, presidente at director ng Cuervo Appraisers, malaking salik sa pagtaas ng halaga ng mga lupa ang mga proyektong pang-imprastraktura na nagpapabuti sa accessibility at connectivity ng mga lugar sa labas ng Metro Manila.
Sa panayam sa programang “Follow the Money” ng Bilyonaryo News Channel, binigyang-diin ni Fernandez-Cuervo na kabilang ang Cavite sa mga lugar na nakapagtala ng malaking appreciation sa land values, kasabay ng patuloy na pag-unlad ng mga pangunahing highway at road networks.
Kabilang sa mga proyektong inaabangan ang koneksyon ng Cavite at Batangas patungong Nasugbu, na inaasahang magpapabilis ng biyahe at magpapalakas sa potensyal ng mga kalapit na lugar bilang property investment destinations.
Ayon sa property appraiser, ang mga lugar na malapit sa mga highway at infrastructure developments ay may malaking potensyal na tumaas pa ang halaga sa mga susunod na taon.
Samantala, nagbabala rin siya sa mga mamumuhunan na suriing mabuti ang aktuwal na progreso ng mga proyektong pang-imprastraktura bago magdesisyon sa pagbili ng lupa.
Ang 300% na pagtaas ng land values sa Cavite ay nagpapakita ng patuloy na pag-usbong ng lalawigan bilang isa sa mga pangunahing growth centers sa Southern Luzon.