08/02/2021
Target masimulan sa darating na buwan ng Hulyo ngayong taon ang proposed project na Cavite-Tagaytay-Batangas Expressway (CTBEX) ayon sa Metro Pacific Tollways Corporation (MPTC) at ng Metro Pacific Tollways South Corporation (MPTSC) sa ginanap na virtual assembly meeting ng Batangas Provincial Development Council.
Ang naturang proyekto ay may habang 50.43 km na mag-uugnay sa Cavite at Batangas at magsisilbing daan upang magkaroon ng mas direktang access ang Batangas Province sa mga bayan ng Cavite, at makatulong sa pagpapaunlad ng mga bayan na babagtasin nito.
Nasa kabuuang P25.2 Bilyon ang budget para sa proyekto na nahahati sa tatlong mga seksyon. Ang unang seksyon ay may habang 18.10 km, mula Silang, Cavite hanggang Tagaytay Spur samantalang ang ikalawang seksyon ay may habang 9.96 km, mula sa Mendez , Cavite hanggang Magallanes, Cavite at ang ikatlong seksyon naman ay may habang 22.37 km mula Magallanes, Cavite hanggang Nasugbu, Batangas.
Sa oras na makumpleto ang proyekto, tinatayang mababawasan ang oras na gugugulin sa biyahe ng mga sasakyan.
Ang biyaheng Manila hanggang Tagaytay, na kumukunsumo ngayon ng 1 oras at 48 minuto, ay magiging 55 minuto na lamang.
Samantala, ang biyahe naman mula Manila hanggang Nasugbu, na gumugugol ng 2 oras at 45 minuto, ay magiging 1 oras at 15 minuto na lamang.
Dahil sa nabawasang oras ng biyahe ay mababawasan ang traffic load sa mga pangunahing daan at makatitipid sa operation cost ang mga may-ari ng sasakyan.
Inaasahan din itong makatulong sa employment generation, income growth, increase of property valuation due to future developments, improved tourism, and improved transportation of goods and services.
Ito umano ay sinang-ayunan na ng Sangguniang Bayan ng Nasugbu sa pamamagitan ng kanilang endorsement.
Ayon kay Mr. Benjie Bausas, PDC Head Secretariat, ang CTBEX project, na inaasahang masisimulan sa Hulyo 2021 at tinatayang matatapos sa taong 2027, ay nagpag-aralan na ng kanilang tanggapan.
Ipinahayag ng gobernador ang kanyang pag-apruba sa nasabing proyekto at inatasan ang konseho na agad itong iendorso sa Regional Development Council.
Source and Photo: Batangas Capitol PIO