15/03/2026
OPISYAL NA PAHAYAG MULA SA MANAGEMENT
Hands of Heaven Memorial Park
Nais po naming ipabatid sa publiko ang tungkol sa isang insidenteng naganap noong 14 Marso 2026, sa loob ng Hands of Heaven Memorial Park.
Maaring ang tanong ng mga nakiramay at nakipaglibing- BAKIT WALANG TENT AT MGA UPUAN, BAKIT HINDI PA NAHUHUKAY ANG LOTE?
Eto po ang aming tugon: March 21 po ang schedule nila at hindi March 14.
Noong 13 Marso 2026, may kliyente na nagpa-iskedyul ng interment para sa kanilang mahal sa buhay na itinakda sa 21 Marso 2026. Kaugnay nito, ang lahat ng kinakailangang dokumento at mga kaukulang pormularyo para sa naturang iskedyul ay napunan at pinirmahan ng kliyente, na nagpapatunay sa NAPAGKASUNDUAANG petsa ng interment. Ayon sa kasunduan na pinirmahan, kinakailangan ang hindi bababa sa tatlong (3) araw o pitumpu’t dalawang (72) oras na pagitan mula sa petsa ng reservation hanggang sa aktwal na interment. Ang pagpirma sa kontrata ay nangangahulugan na sumasangayon at naiintindihan ng nasabing kliyente ang nilalaman ng kasunduan na MARSO 21 ang kanilang iskedyul.
Gayunpaman, noong 14 Marso 2026, bigla dumating ang nasabing kliyente sa memorial park kasama ang kanilang mga kaanak at bisita at nakiusap na maisagawa ang interment sa mismong araw, kahit na hindi ito ang nakatakdang petsa napagkasunduan.
Dahil ang interment ay hindi nakaiskedyul para sa araw na iyon, kinailangan muna ng aming staff at crew na magsagawa ng mga kinakailangang paghahanda at koordinasyon bago ito maisagawa. Dahil dito, nagkaroon ng kaunting paghihintay habang inaayos ang lahat ng kailangan upang maging maayos at marespeto ang proseso ng interment.
Sa kabila ng sitwasyon at ng biglaang pagbabago sa iskedyul, pinili pa rin ng pamunuan at ng aming mga tauhan na tugunan ang pangangailangan ng pamilya, at ginawa namin ang aming makakaya upang maibigay ang isang maayos, marangal, at marespeto na interment para sa kanilang mahal sa buhay sa abot ng aming makakaya sa ilalim ng naturang mga pangyayari.
Ang Hands of Heaven Memorial Park ay patuloy na nagsusumikap na magbigay ng maayos at organisadong serbisyo sa lahat ng aming kliyente. Kaugnay nito, umaasa kami sa pakikiisa ng lahat sa pagsunod sa mga napagkasunduang iskedyul, dokumento, at mga patakaran ng memorial park. Nakikiusap po kami na maaaring sumunod ang lahat sa napagkasunduan na iskedyul at sa mga karampatang bayad na naaayon sa kontrata upang maiwasan ang mga ganitong insidente. Mahalaga ang mga ito upang matiyak ang maayos na daloy ng operasyon, ang respeto sa oras at trabaho ng aming mga tauhan at crew, at ang patas na pagtrato sa lahat ng pamilyang aming pinaglilingkuran.
SA LAHAT NG AMING MGA MAHAL NA KLIYENTE, PAKIUSAP PO NA SUMUNOD PO TAYO SA NAPAGKASUNDUAN AT PINIRMAHAN. Umaasa po kami sa pang-unawa at pakikipagtulungan ng lahat upang maiwasan ang mga ganitong sitwasyon sa hinaharap, upang patuloy naming maibigay ang serbisyong nararapat sa bawat pamilyang nagtitiwala sa Hands of Heaven Memorial Park.
Maraming salamat po sa inyong pag-unawa at pakikiisa.
Hands of Heaven Memorial Park Management