13/11/2024
PANIBAGONG BAGYO NA TATAWAGING PEPITO, POSIBLENG PAPASOK NG PAR BUKAS- PAGASA
Posibleng dalawang bagyo na ang babantayan ng Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Services Administration (PAGASA) sa loob ng Philippine Area of Responsibility (PAR) bukas, Nobyembre 14, 2024 dahil papasok ang panibagong bagyo na tatawaging “Pepito”.
Ayon kay Erick Tappa ng Northern Luzon PAGASA Regional Services Division, patuloy ang pagkilos ng bagyong Man-yi o may lokal name na Pepito pakanlurang timog-kanluran sa bilis na 25kph papalapit sa PAR.
Lumalakas umano ang bagyo habang papalapit sa kalupaan at posibleng maabot nito ang “Super Typhoon” category bago ito mag-landfall sa Northern o Central Luzon sa araw ng Linggo, Nobyembre 17, 2024.
Sinabi ni Tappa na maliit ang tsansa na magsama ang lakas ng bagyong Ofel at bagyong Pepito dahil malayo ang distansya nila sa isa’t-isa.
Sa monitoring ng PAGASA, ang bagyong Pepito ay huling namataan sa layong 2,020km silangan ng silangang Visayas na ngayon ay nasa “Tropical storm” category.
Taglay ng nasabing sama ng panahon ang lakas ng hangin na 65kph malapit sa gitna at pagbugso na 80kph
Sa ngayon, sinabi ng PAGASA na wala pang direktang epekto ang naturang bagyo sa anumang parte ng bansa. (Digna Bingayen)