09/06/2026
GENERAL TRIAS CITY, Cavite — Isang malaking karangalan para sa Cavite matapos mapabilang ang Kaway’an EcoPark sa prestihiyosong listahan ng TIME Magazine’s World’s Greatest Places of 2026.
Matatagpuan sa Barangay Panungyanan, General Trias City, ang Kaway’an EcoPark at ito lamang ang nag-iisang destinasyon mula sa Pilipinas na napabilang sa 100 natatanging lugar na pinili ng TIME Magazine mula sa iba’t ibang panig ng mundo.
Ang eco-tourism sanctuary na ito, na binuo ng Citihomes Builder & Development Inc., ay dinisenyo upang magsulong ng sustainable tourism at pangangalaga sa kalikasan. Sa halip na magtayo ng mabibigat na istruktura, isinama sa disenyo ng parke ang likas na anyo ng kapaligiran.
Ayon kay Elizabeth Wang, General Manager ng Kaway’an Eco Development, Inc., malaking karangalan at responsibilidad ang maging kinatawan ng Pilipinas sa pandaigdigang listahan.
"Ang mapabilang bilang nag-iisang destinasyon mula sa Pilipinas sa listahang ito ay isang pangako at responsibilidad upang maipakita ang pinakamahusay na maiaalok ng ating bansa sa buong mundo," ani Wang.
Ang pagkilalang ito ay patunay na ang Cavite ay tahanan ng isang world-class na destinasyon na maipagmamalaki ng bawat Pilipino.