29/11/2023
Ikaw ba ay nakabili na ng lupa na naka-Mother Title pa? Yung pagkatapos mo magbayad, nalaman mo na nasa pangalan pa pala ng magulang/ lolo at lola/ ninuno ng seller ang titulo ng lupa?
Wag mag-alala. Maaari mo pa din mapalipat sa pangalan mo ang lupa na iyong binili.
Eto ang ilan sa mga proseso na maaari mo gawin upang mapalipat ang titulo sa pangalan mo.
1. Siguraduhin na may contact ka pa sa seller.
Para sa sitwasyon kung saan naka-mother title pa ang biniling lupa, kailangan may contact ka pa din sa seller. Marami kang kakailanganing dokumento at pirma na manggagaling sa seller. Ito ay kailangan kahit naibigay niya na sa iyo ang ownerโs copy ng titulo at mas lalo na kailangan kung ikaw ay nakabayad na ng buo sa kanya.
2. Itanong ang relasyon ng seller sa nakapangalan sa titulo.
Kaano-ano ba ni seller ang nakapangalan sa titulo?
Ito ba ay kanyang mga magulang, lolo/lola, tito/tita, o kapatid?
Ito ba ay ang binilan ni seller o ninuno ng binilan ni seller?
Bakit ito mahalaga?
Ito ay mahalaga upang malaman mo kung ilang transfer ng pangalan ang kailangan mong gawin bago mailipat sa pangalan mo ang titulo. Dito mo rin malalaman kung ilang estate tax ang babayaran mo.
3. Magpagawa ng Extra-judicial Settlement of Estate.
Kung ang isang lupa ay naka-mother title pa, karaniwan, ang lupa na iyong nabili ay nakapangalan pa sa magulang, lola/lolo, o ninuno ng seller. Sa ganitong kaso, kakailanganin mo ang Extra-Judicial Settlement of Estate (EJS).
Ito ay dokumento na nagsasaad ng listahan ng lahat ng pag-aari ng magulang (o lolo/lola) na namayapa na. Ito ay nagsasaad ng pagkakahati ng mga ari-arian ng mga magulang ayon sa pagkakasundo ng mga anak o tagapag-mana. Kailangan na ang lupa ng iyong binili ay mapupunta sa parte ng seller.
Kung ang lupa ay nasa pangalan pa ng lolo/lola ng seller, dalawang (2) extrajudicial settlement ang gagawin. Ibig sabihin, dalawang salin ng pangalan ang kailangan bago ito mapalipat sa pangalan mo.
4. Makipag-usap sa seller tungkol sa pagbabayad ng estate tax.
Karaniwan, ang estate tax ay binabayaran ng mga tagapagmana upang mailipat sa pangalan nila ang titulo ng lupa na pag-aari ng kanilang magulang.
Dahil nabili mo na ang lupa na kanilang minana, maaaring ikaw o ang seller ang magbayad ng estate tax. Makipag-usap sa seller. Kung magkakasundo, maaaring ang seller ang sumagot sa estate tax. Maaari ding tawaran ang selling price ng lupa dahil sa karagdagang tax na babayaran.
5. Iproseso sa BIR at Register of Deeds ang pagpapalipat ng pangalan ng titulo
Matapos magawa ang Extrajudicial Settlement of Estate, ipasa ito kasama ng Deed of Sale at iba pang mga requirements sa BIR na nakakasakop sa lupa na iyong binili. Dito ay babayaran na din ang estate tax, capital gains tax at documentary stamp tax. Matapos ito, magbibigay ang BIR ng Certificate Authorizing Registration (CAR).
Ipapasa ang CAR sa Register of Deeds na nakakasakop sa lupa na iyong binili. Matapos ito iproseso, maaari mo na makuha ang titulo na nasa pangalan mo.
May karagdagan ka bang tanong?
Mag send ng private message sa amin.