01/11/2022
Hanggang ngayon, hindi pa rin kita masisi sa desisyon mong tapusin kung ano’ng mayroon sa’tin. Kapag binabalikan ko ‘yung gabing pinutol mo ang pulang lasong nagdurugtong sa kapalaran natin, hindi ko pa rin magawang kamuhian ka tulad ng ipinapayo nila.
Mas gusto kong sisihin ‘yung itim na pusa ng kapitbahay na laging tambay sa gate namin. Mas gusto kong sisihin ‘yung labintatlong pisong sukli sa’kin ni manong sa jeep, at ‘yung baliktad kong medyas, at ‘yung nabasag kong salamin bago ang araw ng pagkikita natin.
Gusto kong magalit sa bulalakaw na dumaan no’ng gabing ‘yon, pati sa wishbone, sa 11:11, sa kandilang hinipan ko no’ng 21st birthday ko. Sisisihin at pagbubuntunan ko ng galit ang mga bagay na ito—maliban sa’yo.
Hindi ko kayang magdamdam sa’yo.
Lagi lang akong maghahanap ng p’wedeng sumalo sa sakit na idinulot mo. Pero ikaw—gusto pa rin kitang manatiling isang magandang alaala. Gusto kitang ituring na pansamantalang suwerte ng buhay ko. Gusto kitang gunitain bilang regalo, biyaya, minsang sorpresang ipinaranas sa’kin ng mundo.
Kaya’t hindi kita masisisi. Kahit gaano kalalim ang sugat na iniwan mo rito sa puso ko, hindi ko kayang magalit sa’yo. Hahayaan pa rin kitang mabuhay sa nagdaang yugto. Itatago ko pa rin itong pulang laso, pero—
hindi na ‘ko aasang ikaw ang nasa kabilang dulo nito.
—
•Genji•
i'm writing it for all of you guys