23/02/2021
Palawan - Tila diskumpyado ang Department of Finance (DOF) sa kahihinatnan ng ekonomiya ng lalawigan sakaling matuloy ang paghahati sa tatlong division ng Palawan.
Ayon kay Gil Beltran - Undersecretary at Chief Economist ng DOF, sa isang pahayag na kaniyang inilabas nitong mga nakaraang araw, base umano sa kaniyang pakikipagusap kay Sec. Sonny Dominguez ay tila negatibo ang epekto sa ekonomiya ng Palawan sa paghahati ng tatlong division.
Binigyang diin ng ahensya na ang pagmamadaling hatiin sa tatlong division ng lalawigan ay magreresulta lamang ng pagtaas ng "Overhead Expenses" o dagdag gastusin sa pagtatayo ng mga bagong opisina at pampasweldo sa mga bagong empleyado ng probinsya, gayong walang katiyakan ang paglaki ng kikitain ng mga magiging bagong probinsya.
Dahil dito ay maari umanong masapanganib ang ekonomiya ng mga bagong lalawigan sakaling matuloy ang paghahati sa tatlong division dahil sa malaking gastusin ng mga ito at walang katiyakan kung kayang kitain ng mga bagong probinsyang maitatatag.
Base sa ulat ng Department of Budget and Management (DBM) na may petsang May 13, 2020 bahagya lamang ang ilalaki ng pondo ng Palawan na aabot sa 29% o halos P800M lamang ang madadagdag sa kasalukuyang IRA ng lalawigan na nasa P3B.
Kung susumahin ay magkakaroon lamang ng pondo ang Palawan Del Norte ng P1.113,390,964 , aabot naman ng P1.022,383,274 sa Palawan Oriental at P1.684,555,402 para sa Palawan Del Sur na aabot sa kabuuang P3.820,329,640 ang IRA ng tatlong lalawigan, taliwas umano sa naging pahayag ni Gov. Alvarez na aabot sa P6Billion ang magiging pondo na tatlong probinsya sakaling matuloy ang tatlong division ayon sa One Palawan Movement.
Inaasahan naman na sa darating na Marso sa susunod na taon ay maaring maisagawa ang plebesito sa paghahati sa tatlong division ng lalawigan.
Sa ngayon ay patuloy na ang kampanya ng magkabilang kampo sa pagsusulong ng 3N1 Palawan gayun din ang mga tumututol sa nasabing panukala.